CENTRAL MINDANAO – Nasa 17 mula sa 23 kumpirmadong nagpositibo sa COVID-19 sa Midsayap, Cotabato ang nagmula sa iisang kompaniya lamang.
Ito ang kinumpirma ni Emergency Operations Center Incident commander councilor Vivencio Deomampo.
Ayon kay Deomampo, nakakaalarma umano ang pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa bayan dahil may posibilidad pa itong madagdagan dulot ng mga exposures o pakikisalamuha ng mga naturang pasyente sa ibang tao bago pa man lumabas ang resulta ng ginawang test sa kanila.
Dagdag pa ng konsehal, matapos lumabas ang resulta ay agad namang nagsagawa ng contact tracing upang matukoy ang mga nakasalamuha ng mga ito.
Sa 23 panibagong kaso ng COVID-19 sa bayan, apat sa mga ito ay nagpositibo sa pamamagitan ng RT-PCR test habang ang 19 na iba pa ay sa pamamagitan ng antigen test.
Tiniyak naman ni Deomampo na isa ring doktor na ang lahat ng mga nabanggit ay kasalukuyang nananatili at mahigpit na binabantayan sa Municipal Isolation Facility.
Patuloy na pinaaalalahanan ng LGU-Midsayap ang mga mamamayan na mahigpit pa ding sundin ang minimum health protocols upang maiwasan ang pagkahawa sa COVID-19.