Kasalukuyang ginagamot ngayon ang nasa 17 staff ng isang pediatric at maternity hospital sa Ukrainian port city ng Mariupol matapos ang pambobomba ng Russian forces.
Ibinahagi ni Pavlo Kyrylenko, head ng southeastern Donetsk region sa kaniyang video post sa facebook na nasa 17 personnel ng naturang ospital ang nasugatan ngunit nilinaw nito na walang batang nasugatan at wala ring naitalang namtay.
Ang pag-atake sa naturang pasilidad ay kasunod ng babala ng WHO na ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia ay nagbunga ng health crisis sa Ukraine kung saan nasa 18 ang kinumpirmang pag-atake sa health care facilities, ambulansiya at personnel na nagresulta umano sa 10 katao ang namatay at 16 sugatan.
Ayon kay Kyrylenko na literal na napinsala ang maternity hospital na nasa sentro ng kabisera ng Mariupol bunsod ng pagbomba ng Russian forces.
Kinondena naman ni President Volodymyr Zelensky ang naturang pag-atake at muling nanawagan ng no-fly zone sa airspace ng Ukraine.
Hindi naman itinanggi ng Russian Foreign Ministry spokeswoman Maria Zakharova ang naturang pag-atake.
Aniya, ginagamit umano ng Ukrainian nationalist battalions ang naturang maternity hospital para maglagay ng firing positions matapos nilang ilikas ang mga staff at pasyente.
Ang kabisera ng Mariupol sa Azov Sea sa southeastern Ukraine ay napapaligiran ng Russian forces na patuloy ang pambobomba sa lungsod sa kabila ng napagkasunduang ceasefire para sa evacuation ng mga inosenteng mamamayan sa lungsod.