Hinimok ng nasa 17 top democrats si US President Joe Biden na suspendihin ang kaniyang re-election campaign at umatras na sa 2024 Presidential race.
Ito ay kasunod ng tila mahinang performance ni Biden sa nakalipas na presidential debate laban sa kaniyang mahigpit na karibal na si dating US Pres. Donald Trump.
Nakadagdag naman sa concern kaugnay sa kalusugan ng 81 anyos na si Biden para ipagpatuloy ang kaniyang kandidatura ang kapansin-pansing pagkakamali nito sa kaniyang naging speech sa NATO summit sa Washington, D.C. kabilang na ang pagpapakilala niya kay Ukraine President Volodymyr Zelenskiy bilang “President Putin” subalit agad naman niya itong itinama habang sa isang press conference naman tinawag ni Biden si US Vice President Kamala Harris bilang “Vice President Trump”.
Sa kabila naman ng dumaraming pressure kay Biden, determinado pa rin ito at nanindigang hindi siya aatras at iginiit ang kaangkupang maglingkod bilang Pangulo ng Amerika ngayon at sa susunod pang 4 na taon.
Iginiit din ni Biden na siya ay nasa magandang kalusugan at pinaka-kwalipikadong kandidato para talunin si Trump
Matatandaan na naging sentro sa dumaraming kritisismo at pagtuligsa sa kandidatura ni Biden ang kaniyang edad at performance sa nakalipas na presidential debate noong June 27, 2024 kontra kay Trump na convicted sa felony charges.