-- Advertisements --

Umabot na sa 170-K na bags ng palay ang nabili ng National Food Authority tatlong araw matapos itaas ng ahensiya ang buying price nito sa buong bansa. 

Sa panayam kay NFA Officer-in-Charge Administrator Larry Lacson ng state media, sinabi nito na dati raw ay nasa 42,200 metric tons ang kanilang palay ngunit ngayon daw ay umabot na ito sa mahigit 50,000 metric tons. 

Kung matatandaan, inanunsiyo ng National Food Authority noong April 22, 2024 na magtataas sila ng buying price ng palay para mapalakas ang kita ng mga magsasaka at ma-secure ang supply nito. 

Sa bagong buying price na ito, mabibili na ang fresh or wet palay ng P17 hanggang P23 habang ang clean at dry palay naman ay sa halagang P23 hanggang P30. 

Ayon kay Lacson, maghihintay pa ang kanilang ahensiya sa pagdating ng second harvest ngayong paparating na wet season para maabot ang target volume na 300-K metric tons. 

Samantala, nangako naman si Lacson na ipatutupad nila ang participatory leadership sa ahensiya kung saan magkakaroon umano ng konsultasyon sa mga magsasaka para maiwasan ang korupsiyon sa National Food Authority. 

Kung matatandaan, naglabas ng preventive suspension order ang Office of the Ombudsman sa 141 na opisyal at empleyado ng NFA dahil sa umano’y improper rice sale ng NFA rice buffer stock nito.