CENTRAL MINDANAO – “Gamitin sa tama ang ayudang tinanggap.”
Ito ang mensahe ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista sa lahat ng mga indigent beneficiaries na nakatanggap ng Livelihood Assistance Grant o LAG) mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Office XII.
Tumanggap ng P6,000 hanggang P15,000 na kapital para sa maliit na negosyo ang may 1,700 na mga indigent beneficiaries na una ng pumasa sa screening ng DSWD.
Marapat lamang na gamitin daw ng wasto ang kapital lalo pa at makakatulong ito na pantawid sa panahon ng krisis na dulot ng COVID-19, wika pa ng alkalde.
Sila ang mga indibidwal na na-validate ng DSWD para nakatanggap ng ayudang pinasyal mula sa pamahalaan dahil sa matinding epekto ng pandemic sa kanilang kabuhayan dahil sa pandemya, ayon pa sa mga kinatawan mula sa DSWD XII.
Sabay na ginawa ang pagbibigay ayuda para sa mga beneficiaries sa mga sumusunod na lugar: Brgy Balindog covered court; amphitheater ng Kidapawan Pilot Elementary School; Mega Tent ng City Hall; Our Lady Mediatrix of All Graces Gymnasium, at sa covered court ng Brgy Poblacion sa Sinsuat Street.
Dahil sa mga umiiral na minimum health protocols, by batches ang ginawang distribution ng assistance kung saan ay 25 na beneficiaries lamang ang bibigyan kada batch para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus sa mga lugar na pinagdausan nito.
Personal na iniabot nina Mayor Evangelista, CSWD Officer Daisy Gaviola at mga opisyal ng DSWD XII ang tulong pinansyal sa mga beneficiaries ng programa.
Mahigit sa P16 million ang kabuuang pondo na inilaan ng DSWD para sa mga indigent na taga Kidapawan City na pasok sa programa.