Nasa 171 overseas Filipino workers (OFW) na umuwi sa bansa ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) habang nananatili sa mga quarantine centers.
Ayon kay COVID-19 response chief implementer Carlito Galvez Jr., sa ngayon ay natanggap na raw ng mga otoridad ang 5,439 test results mula sa 12,000 specimen na ipinadala sa mga testing laboratories ng Philippine Red Cross.
Dagdag ni Galvez, may kabuuang 20,569 OFWs na nasa mga quarantine centers ang nakuhaan na ng swab para masuri.
Una nang sinabi ni Deputy chief implementer Vince Dizon na gagawing prayoridad ng gobyerno sa testing ang 25,000 uuwing OFWs ngayong buwan.
Habang ang mga magnenegatibo naman sa deadly virus ay papayagang makauwi sa kani-kanilang mga tahanan sa lalong madaling panahon.
Paglalahad pa ni Galvez, 5,268 resulta ang nagnegatibo, habang 4.4% ng initial tally ang mga positibong kaso.
Samantala, 4,593 OFWs ang nakakuha na ng quarantine certificate matapos makumpleto ang 14-day quarantine sa mga pasilidad sa greater Manila area.
“Ito ngayon ay pinaplano na ng MARINA (Maritime Industry Authority) at saka ng DOTr (Department of Transportation) at ng Philippine Coast Guard para po makauwi na sila,” wika ni Galvez.
Matatandaang hindi muna pinahintulutan ng mga otoridad ang lahat ng inbound international flights na may lulang mga pasahero mula Mayo 3 hanggang 8 para ma-manage ang bulto ng mga umuuwing Pinoy sa mga quarantine center.
Pero sinabi ngayon ni Galvez na magpapatupad sila ng “controlled inbound flights” kung saan tatanggap sila ng hanggang tatlong flights para malimitahan sa 400-600 Pinoy ang dumarating kada araw.
Luluwagan lamang din aniya nila ang arrival restrictions sa oras na natapos na ng pamahalaan ang testing sa mahigit 24,000 Pinoy workers na bumalik sa bansa nitong nakalipas na linggo.