Nakatakdang bumili ang Philippine National Police ng nasa 175,000 body cameras para ipasuot sa mga pulis sa kanilang mga operasyon.
Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, sa oras na mabigyan sila ng pondo ay agad nilang bibilhin ang nasabing kagamitan.
Sinabi ni Carlos na kung mayroon silang budget ay kahit anong oras mismo ay bibili na sila ng body cameras para maging bahagi na ng standard equipment ng mga pulis.
Pero sa ngayon aniya, mayroon lang silang mangilan-ngilang video cameras na maaaring ipagamit muna sa mga pulis tuwing may operasyon para dokumentado ang kanilang pagkilos.
Nauna rito, sinabi ni Carlos na handang ipatupad ng PNP ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsama ng media sa mga police operations para i-document ang operasyon.
Ang inaalala naman ng PNP ay ang kaligtasan ng mediamen lalo na kung magkakaroon ng engkuwentro.
Pero tiniyak ni Carlos na hindi nila ilalagay sa frontline ang mga miyembro ng media sa mga armadong suspek para hindi naman sila mapahamak.
“What we have at the moment is the body cam yung ginagamit to document the ops we will have somebody filiming the ops. If we have it now why not diba kung nandyan ho bigyan niyo kami ng 175,000 body cameras,” pahayag ni Carlos.