-- Advertisements --

Naitala ang nasa 175 wildfire sa state ng South at North Carolina matapos lamang na sumiklab nang magdamag, dulot ng malakas na hangin at tuyong kondisyon.

Ayon sa mga awtoridad, umabot na sa 4,200 ektarya ang nasunog mula sa mga wildfires, kung saan ang mga pinakamalalaking sunog ay umabot narin sa mga kabahayan na siyang nagdulot ng mga evacuation sa ilang mga lalawigan.

Iniulat ng South Carolina State Fire Marshal na mayroong aktibong mga wildfires sa Horry, Spartanburg, Oconee, Union, at Pickens counties. Isa sa mga pinakamalaking sunog na nangyari malapit sa Carolina Forest sa Horry County, na malapit sa Myrtle Beach at umabot na ng higit 1,600 ektarya ang apektado nito lamang linggo ng hapon (Lunes sa Pilipinas).

Ang mabilis na pagkalat ng apoy ay nagbabanta naman sa mga komunidad ng Walkers Woods at Avalon.

Tinatayang 30% palang ang nakokontrol o naapula nitong weekend habang ang mga evacuation orders ay inalis narin nang gabi sa parehong araw, ayon sa South Carolina Forestry Commission.

Samantala nagdeklara na ng state of emergency si Gobernador Henry McMaster noong Lunes, local time upang pagtuunang pansin ang lumalalang wildfires.

‘This State of Emergency ensures that our first responders, who are working tirelessly and risking their lives to protect our communities from these wildfires, have the resources they need,’ pahayag ni McMaster.

Bilang bahagi ng mga hakbang, isang statewide burning ban ang ipinatupad noong Sabado kung saan binanggit ni McMaster na ang mga lalabag ay kaniyang ipakukulong.

‘That means you can and will go to jail for starting a fire outdoors in South Carolina, period,’ ani McMaster sa kaniyang social media post.

Samanatala, patuloy namang iniimbistigahan ang sanhi ng Carolina Forest Fire, ngunit pinaniniwalaang ang matinding hangin na may bilis na 40 mph at ang tuyong kondisyon ng dahon ang naging sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy.

Naglabas rin ang pamahalaan ng red flag warnings para sa panganib na dulot ng sunog habang ang mga bumbero ay patuloy inaapula ang pagkalat ng apoy kung saan gumamit na ang mga ito ng mga helicopter.

Sa kabilang dako isa ring malaking wildfire ang matatagpuan sa Myrtle Beach, na nagumpisang umusok at umapoy ayon sa mga awtoridad ay noong Sabado (Linggo sa Pilipinas) kung saan may malaking banta para sa mga kabahayan ng Georgetown County.

800 ektarya ang tinatayang nasusunig parin hanggang sa kasalukuyan, ngunit dahil sa patuloy na pagapula ng mga bumbero halos lahat ng evacuation orders ay inalis na.

Patuloy paring iniimbestigahan ang sanhi ng sunog at sinabi ng mga opisyal na ito ay nagsimula malapit sa isang prescribed burn area sa Arcadia Plantation.