Umaasa ang ilang kongresista na mas mabigyan ng atensyon sa 18th Congress ang usapin tungkol sa paglabag sa mga karapatang pantao.
Sa kanilang huling pulong balitaan bago ang sine die adjournment ng Kongreso, sinabi ng Makabayan bloc na maaalala ang 17th Congress sa pagiging “passive†nito sa mga human rights issues.
Sinabi ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na maraming resolusyon na inihain ang Makabayan bloc para sa mga paglabag ng pamahalaan sa karapatang pantao subalit bigo ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na aksyunan ang mga ito.
Ayon naman kay ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, walang isinagawang malalimang imbestigasyon ang Kamara sa 17th Congress patungkol sa mga extrajudicial at political killings.
Pero dahil naihabol ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpasa sa Human Rights Defenders Bill sa ikatlo at huling pagbasa, sinabi ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na hindi sila nawawalan ng pag-asa na matalakay pa rin sa 18th Congress ang mga usapin tungkol sa mga paglabag sa karapatang pantao.