-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Aabot sa halos P1 million ang halaga ng suspected drugs na nakumpiska ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Bacolod City Police Office sa isang buntis, kahapon.

Pasado alas-5:00 ng hapon nang isinagawa ng CDEU ang buybust sa Purok Tahong, Barangay 2 at naaresto ang suspek na si Beverly Maraviles,18-anyos, buntis at residente ng nasabing lugar.

Nakuha mula kay Mareviles ang P852,000 halaga ng suspected shabu at mga drug paraphernalia.

Sa panayam sa team leader ng CDEU na si Police Lieutenant Colonel Leonardo Borromeo, si Mareviles ay itinuturing na high value target (HVT) dahil malaki ang halaga ng shabu na nakumpiska dito.

Nabatid na nauna nang nagsagawa ng buy-bust operation laban kay Mareviles at sa kanyang asawa subalit nakatakas ang mga ito.

Kahapon ay nagtangka ring tumakas si Maraviles sa pamamagitan ng pag-akyat sa bintana ng kanilang kusina ngunit doon din nakabantay si Borromeo.

Kulong ngayon ang suspek sa Police Station 2 at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.