-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nagluluksa ang pamilya at mga kaanak sa malagim na pagkamatay ng 18-anyos na estudyanteng si Nike Andy Riana Kassim, residente ng Libuganon, Tagum City, Davao del Norte na napaulat na nawawala mula noong Abril 22, Sabado ng gabi.

Matapos ang ilang araw na paghahanap, natagpuan ang bangkay ni Kassim sa isang bakanteng lote malapit sa isang paaralan sa Purok Pine Tree, Magugpo North, Tagum City, nitong Abril 25 ng hapon.

Ayon sa pamilya ng biktima, alas-11 ng gabi nang lumabas ang biktima sa spa na kanyang pinagtatrabahuan sa Seminary Drive, Suaybaguio, Tagum City, kasama ng biktima ang kanyang kaibigan.

Inakala ng kaibigan ni Nike na sa labas lang siya bumili ngunit nalaman niya na huminto pala siya sa isang convenience store sa Mirafuentes.

Nabahala ang kaibigan nang maghintay ng dalawang oras upang lumabas ang biktima ngunit hindi niya ito nakita.

Kinumpirma rin ng pamilya na sinubukan pang makahingi ng tulong si Nike, ngunit hindi siya pinansin ng kanyang kaibigan na naniniwalang siya raw ay nagbibiro lamang.

Pagkaraan ng dalawang araw, tanging bangkay na lamang ng biktima ang natagpuang naagnas na nang kunin ito ng mga awtoridad.

Napag-alaman din na isang working student ang biktima at may 2 taong gulang na anak na babae.

Sinimulan na ng Tagum City Police ang malalimang imbestigasyon hinggil sa sinapit ng biktima.

Ayon kay Tagum City Mayor Rey Uy, tinutukan ngayon ng pulisya ang anggulo ng selos na pinagmulan ng krimeng ito.

Sa kabila ng pagluluksa ng pamilya, ipinanawagan nila ang katarungan sa pagkamatay ni Nike.