KORONADAL CITY – Nagkukumahog ngayon ang tanggapan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Mangaldan, Pangasinan sa pagpapalikas ng mga residenteng apektado ng malawakang pagbaha dulot ng bagyong Ulysses.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mangaldan MDRRM officer Rubel Corla, inihayag nitong patuloy ang kanilang rescue efforts sa mga residenteng apektado ng pagbaha sa kanilang lugar.
Dagdag ni Corla, nasa 18 mula sa 20 barangay ang kanilang binabantayan sa ngayon mula sa daluyong o storm surge at patuloy na tinututukan.
Kaya siniguro nitong labis ang kanilang paghahanda sa pamamagitan ng pagbibigay ng updates sa Provincial at Regional Disaster Risk and Management Offices at pag-abiso sa mga local government units sa pagdeklara ng pre-emptive evacuation upang mailikas na ang mga residente.
Tiniyak naman nitong nakahanda silang rumesponde 24/7 at nakahanda rin ang mga relief packs para sa mga apektadong residente sa mga evacuation center.