-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Ikinababahala sa ngayon ng Provincial Health Office ng South Cotabato ang pagkakatala ng 18 barangay sa lalawigan na itinuturing na dengue hotspot.

Ito ang kinumpirma ni Assistant Provincial Health Officer Dr. Alah Baby Vingno.

Ayon kay Vingno, ang 18 mga barangay na dengue hotspot ay matatagpuan sa mga bayan ng Surallah, Polomolok, Sto. Nino, Norala, Koronadal, Tupi at Tantangan.

Sa ngayon, nakatutok ang fogging at misting operation ng provincial health office sa mga dengue hot spot sa lalawigan.

Dagdag pa ni Vingno na 91 mga barangay sa South Cotabato ay mayroong clustering ng dengue cases.

Ito ay matapos makapagtala ng tatlo hanggang apat na kaso ng dengue sa magkasunod na apat na linggo.

Kaugnay nito, umapela naman si South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. sa mga mamamayan ng lalawigan na magsagawa ng “Operation Kulob”.

Ayon kay Tamayo inaasahan nito na sa pagtutulungan ng mga mamamayan at mga lokal na pamahalaan ay masawata ang dengue na kumitil ng 21 buhay sa South Cotabato nitong taon.