Kinasuhan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 18 dayuhan na unang naaresto sa Parañaque City dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa online scam.
Unang naaresto ang walo sa kanila matapos isilbi ng NBI noong Enero, 14, 2025 ang search warrant upang suriin ang kanilang computer na umano’y ginagamit sa online scam operations. Kinilala ang mga ito na sina Xiao Li, Chuan Zi Gao, Ming Ru Li, Wen Shu Liu, Qui Shun Li, Cai Li Pan, Changfu Liu at Zhang Zhen Hong.
Sa sumunod na operasyon kinabukasan,Jan. 15, naaresto ang pitong iba pang Vietnamese at tatlong karagdagang Chinese.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ang naging matagumpay na pagkaka-aresto sa mga dayuhan ay sa pamamagitan ng natanggap na intelligence report ukol sa pagkakasangkot ng mga ito sa investment fraud, cryptocurrency scam, romance scam, identity theft at digital communication schemes.
Lahat ng mga ito ay kinasuhan ng paglabag sa patong-patong na kaso tulad ng Anti-Financial Account Scamming Law, at Cybercrime Prevention Act.
Inihain ang mga ito sa Parañaque prosecutor’s office.
Sa ngayon, isang Chinese pa ang pinaghahanap ng mga otoridad.