Tinawag na “joke” ni Senadora Pia Cayetano ang plano ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na tanging 18% lamang ng gastusin sa ospital ang sasagutin ng state health insurer para sa mga miyembro nito sa taong 2025.
Ayon kay Cayetano, taliwas ito sa layunin ng Universal Health Care (UHC) Law na magbigay ng sapat at abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng PhilHealth.
Sa ginanap na oral arguments kamakailan sa Korte Suprema tungkol sa paglipat ng sobrang pondo ng PhilHealth sa national treasury, ibinunyag ni PhilHealth Senior Vice President Renato Limsiaco, Jr. na target ng PhilHealth na sagutin ang 18% ng gastusin sa ospital sa 2025, at inaasahang tataas ito sa 28% pagsapit ng 2028.
Giit ng senadora, paano makatutulong ang ganitong klaseng coverage sa mga pamilyang Pilipino, lalo na sa mga kapos sa buhay at nasa lower-income bracket?
Mula 2014 hanggang 2024, mahigit PHP 534 bilyon ang natanggap na pondo ng PhilHealth mula sa sin tax revenues — kaya’t lalong hindi makatwiran na 18% lang ang kayang sagutin ng ahensya para sa mga pasyente.
Hinimok ni Cayetano ang PhilHealth na muling pag-aralan ang kanilang coverage targets at tiyaking nakahanay ito sa layunin ng UHC Law — na mabigyan ng sapat na serbisyong pangkalusugan ang lahat ng Pilipino, anuman ang katayuan sa buhay, nang hindi sila mababaon sa mga gastusin.