-- Advertisements --

Sinuspinde na ang 18 taga-Bureau of Immigration (BI) na isinasangkot sa umano’y pangingikil sa 15 Korean nationals sa Angeles City, Pampanga.

Sinabi ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na suspendihin ang mga nasabing taga-BI nang iharap sila sa Malacañang noong Miyerkules ng nakaraang linggo.

Ayon kay Belgica, batay sa nakalap nilang mga testimonya mula sa mga Koreano, iligal na inaaresto ng mga BI personnel maging ang mga legal foreign workers kabilang na rin ang mga Chinese at Indians sa bansa saka hinihingan nila ng pera para mapakawalan.

Umabot umano sa P9.4 million ang nakikil ng mga BI members mula sa mga Koreano nito lamang Marso.

Kinumpirma naman ni Atty. Aldwin Alegre, Deputy Commissioner ng Bureau of Immigration na preventively suspended ang 18 nilang tauhan.