Kinasuhan na ng paglabag sa Republic Act No. 8799 o Securities Regulation Code ang 18 indibiduwal, kabilang ang tatlong founder ng FRX rice trading investment scheme na nag-o-operate sa Caraga region at iba pang bahagi ng Mindanao.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief, MGen. Amador Corpuz, ang nasabing mga indibidwal ay sangkot sa rice trading pero walang bigas na sangkot.
Sinabi ng heneral, mag-iinvest ang miyembro at ang kapalit nito ay magiging triple ang kaniyang pera sa isang buwan.
Magugunita na noong nakaraang linggo, sinalakay ng CIDG-Region 13 kasama ang mga sundalong Army ang safehouse ng FRX sa Nasipit, Agusan del Norte.
Nakumpiska sa nasabing pagsalakay ang P23-milyon na cash counting machine at log book.
Wala namang naaresto sa ikinasang operasyon dahil tumakas ang mga ito.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng CIDG ang mga nakumpiskang pera at mga kagamitan.