Halos kalahati ng kabuuang bilang ng mga kaso ng kidnapping na naitala ng Philippine National Police sa unang bahagi ng taong 2024 ay pawang hoax lamang.
Ito ang inihayag ni PNP Anti Kidnapping Group Director PBGen. Cosme Abrenica sa panayam sa media sa Kampo Crame, Quezon City.
Ayon kay Abrenica, ngayong taong 2024 ay aabot sa kabuuang 18 cases ng kidnapping ang naitala ng kanilang hanay ngunit siyam dito ay pawang hoax kidnapping.
Habang mula sa siyam na lehitimong kaso ng kidnapping na naitala ngayong taon ay dalawa ang na-resolba na, tatlo ang cleared na, at ang natitirang apat naman ay nananatiling nasa ilalim ng imbestigasyon.
Aniya, majority ng naturang mga kidnapping cases ngayong taon ay kinasasangkutan ng mga Chinese nationals at naitala sa Metro Manila.
Gayunpaman ay Inihayag pa rin ng opisyal na ‘di hamak na mas mababa ang bilang ng mga kaso ng kidnapping ngayong taon kung ikukumpara sa naitalang 13 lehitimong kaso nito noong nakaraang taong 2023 sa kaparehong panahon.