Sumampa na sa 18 katao ang naitalang sugatan sa pag-crash ng Delta Air Lines flight mula Minneapolis – St. Paul International Airport habang pa-landing sa Toronto Pearson airport nitong araw ng Lunes, Pebrero 17, oras sa Amerika.
Ayon sa airline, lahat ng 80 lulan ng pampasaherong eroplano ay ligtas na nailikas kung saan 76 dito ay mga pasahero habang 4 naman ang crew members.
Ayon sa Peel Regional Paramedic Services, 18 katao ang dinala sa local hospitals kung saan 2 adults at 1 bata ang nagtamo ng critical injuries.
Sa kabutihang palad naman, walang naitalang fatalities o nasawi sa insidente.
Sa ngayon, hindi malinaw kung paano bumaliktad ang eroplano bagamat posibleng nakaapekto dito ang malakas na hangin.
Base sa Meteorological Service of Canada, naitala ang hangin na 32 miles per hour (mph) at bugso na umaabot ng 40 mph sa naturang paliparan nang mangyari ang plane crash kasabay ng pagdaan ng remnants ng winter storm sa may Toronto.
Sa kasalukuyan, nililinis na ang wreckage sa paliparan. Pansamantala namang sinuspendi ang lahat ng flights nitong hapon ng Lunes sa Pearson Airport bagamat ipinagpatuloy ang departures at arrivals nitong gabi ng Lunes.