Umabot na sa 18 labi ang nahukay ng mga otoridad sa nagpapatuloy na operasyon sa Brgy Sampaloc, Talisay City, Batangas, kung saan pinaniniwalaang nabaon ng buhay ang mahigit 20 katao dahil sa biglaang pagguho ng lupa.
Kabilang sa mga unang nahukay ang labi ng 12 bata, ilan sa kanila ay naka-yakap pa sa kanilang magulang.
Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo, gagawin na ring 24/7 ang paghuhukay sa lugar gamit ang mga heavy equipment at manpower mula sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan, Philippine National Police, at local na pamahalaan.
Ayon sa mga otoridad, dahan-dahan ang ginagawang paghuhukay ng mga heavy equipment dahil sa sensitibong kalagayan ng mga labi na pinaniniwalaang nabaon, karamihan dito ay mga bata.
Gumagamit din ang mga otoridad ng K-9 units upang matunton ang mga labi.
Ilan sa mga nagpapahirap sa ginagawang rescue at retrieval operations ay ang malalaking tipak ng bato, mga punongkahoy, at mga parte ng bahay na halos sabay-sabay na bumagsak sa mga natutulog na biktima.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo kay Brgy Sampaloc councilor Lalie Almeda, sinabi ng konsehal na hindi nila inakalang mangyayari ang malawakang pagguho ng lupa sa kanilang barangay.
Aniya, ito ang unang pagkakataon na mangyari ang ganitong insidente, at ikinabigla ng lahat ang lawak ng pinsalang inabot nito.
Bagaman may mga landslide nang nangyari sa nakalipas na taon, pawang maliliit lamang ang mga ito at hindi naging dahilan ng pakawala ng mga buhay.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng mga opisyal ng brgy, malaking bulto ng lupa at mga tipak ng bato na galing pa sa bundok na sakop na ng Tagaytay City, Cavite, ang bumagsak sa mga bahay na sakop ng brgy Sampaloc, Talisay City.
Posibleng bumigay ang dalisdis ng bundok dahil sa ilang araw na pag-ulan at tuluyang bumagsak.
Maliban sa mga residente sa naturang komyunidad, pinangangambahang may ilan ding dayuhan na nasama sa mga casualties, ngunit wala pang kumpirmasyon ang mga otoridad.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy din ang clearing operations sa mga kalsada sa Talisay City na inabot ng makapal na putik at lupa mula sa kabundukan.