Pinangangambahang marami ang nasawi matapos magsalpukan sa ere ang isang American Airlines regional passenger jet at US Army Black hawk helicopter at bumagsak sa napakalamig na Potomac River malapit sa Reagan Washington National Airport nitong gabi ng Miyerkules, oras sa Amerika.
Bagamat hindi tinukoy ng mga opisyal ang death toll mula sa naturang insidente sa isinagawang news conference sa Reagan airport, sinabi ni US Senator Roger Marshall ng Kansas, kung saan nanggaling ang pampasaherong eroplano, na posibleng nasawi ang lahat ng sakay nito.
Base naman sa local media, iniulat na nasa 18 katawan ng mga biktima ang narekober batay sa isang police official habang may ilang ulat naman na wala pang nakikitang survivor mula sa insidente.
Kinumpirma naman ng American Airlines na nasa 60 pasahero at 4 na crew members ang lulan ng jet habang 3 sundalo naman ang sakay ng military helicopter.
Nangyari ang banggaan nang pa-landing ang passenger jet sa Reagan airport habang nasa training flight naman ang military helicopter.
Ayon naman sa Pentagon, nagsasagawa na ito ng imbestigasyon sa insidente na isinisi naman ni US President Donald Trump sa US Army helicopter crew at air traffic controllers base sa kaniyang ibinahaging post sa kaniyang social media platform na Truth Social.
Aniya, dapat ay napigilang mangyari ang naturang collision. Kinuwestyon ni Trump ang hindi pag-iiba ng direksiyon ng military helicopter gayong maliwanag aniya ang gabi at ang ilaw mula sa passenger plane.
Sa ngayon patuloy na isinasagawa ang malawakang search and rescue operation sa Potomac river na pahirapan dahil madilim ang lugar at napakalamig at nagyeyelong ilog na may lalim na 8 talampakan.
Posible naman na abutin ng ilang araw ang ginagawang search and rescue efforts at imbestigasyon sa naturang collision.