Natagpuan ang nasa kabuuang 18 sets ng magkakaibang uniporme ng sundalo ng China sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz, sinusuri na nila ang authenticity ng mga nadiskubreng uniporme.
Iimbestigahan din ng mga awtoridad kung ang nasabing mga uniporme ay pagmamay-ari ng iisang tao o ng iba’t ibang mga indibidwal.
Isa nga sa mga uniporme na nauna ng nakumpiska ay mayroong mga butones na may nakalagay na inisyal na PLA na suspetsa ng mga awtoridad ay tumutukoy sa People’s Liberation Army na principal military force ng China.
Kahapon din, kinumpiram ng PAOCC na tototo ang PLA uniforms na natagpuan sa POGO hub subalit ito ay luma na.
Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), una ng sinabi ng ahensiya na ginagamit ang nasabing mga uniporme bilang props sa ilegal na transaksiyon online.
Natagpuan din ng mga awtoridad ang umano’y outstanding badge ng Chinese military sergeant sa POGO hub.
Una ng sinabi ng PAOCC na sakaling mapatunayan na ito ay authentic, nagpapakita aniya ito na maaaring sangkot ang isang beteranong pulis o sundalo ng China sa POGO hub.
Sinabi naman ng PAOCC official na maaaring ang mga retiradong personnel ang mga sangkoy na nag-absent without leave (AWOL) o scalawags.