-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Arestado ang 14 kalalakihan habang nakumpiska ang 18 tandang na panabong sa serye ng operasyon kontra iligal na sugal sa apat na bayan ng Benguet kahapon.

Sinira din ng mga operatiba ang mga istruktura ng mga natagpuan nilang sabungan.

Arestado ang 14 na kalalakihan sa Bastian, Camp 3, Tuba matapos maaktuhan ang pagsasabong ng mga ito.

Habang nakumpiska ang 12 na tandang na panabong mula sa mga ito, kung saan walo ay mga magsasaka, dalawa na empleyado ng isang mining company, dalawang vendors at dalawang househusband.

Samantala, kinumpiska rin ng mga pulis ang tig-tatlong tandang na panabong sa operasyon nila sa Tabio, Ballay, Kabayan at Manawal, Lubo, Kibungan.

Ayon sa pulisya, ang mga operasyon ay resulta ng kanilang pagresponde sa mga natanggap nilang impormasyon mula sa mga concerned citizens.

Sa ngayon, nahaharap ang mga arestadong kalalakihan sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling at RA 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, partikular ang probisyon na nagbabawal ng mass gathering kasabay ng umiiral na Enhanced Community Quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.