-- Advertisements --

CEBU CITY – Inilunsad ng Cebu City government ang mobile market upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga nasasakupan nito na hindi maaaring lumabas sa gitna ng pinapatupad na enhanced community (ECQ) dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Pinangunahan ni Mayor Edgardo Labella ang paglulunsad ng 18 mobile markets na ipapalat sa lungsod.

Tutungo ito sa iba`t ibang mga barangay at magiging stationary naman pagdating doon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na pumili at bumili ng gustong bilhin.

Sinabi ng mayor na naglalayon itong pigilan ang mga tao sa pagpunta sa mga pampublikong merkado upang bumili ng kanilang mga pangangailangan.

Gayundin upang mabawasan ang mga tao gaya ng malalaking palengke sa lungsod tulad ng Carbon Market at Pasil Fish Market.

Kabilang sa itinitinda ay ang seafood, karne, bigas, gulay, pananim, delata, processed food, itlog, at iba pang mga pangunahing bilihin.

Sisimulan na sa susunod na linggo ang pagpapatupad nito kung saan inaasahan na nagamit na ng mga tao ang kanilang mga stock.