(Update) KALIBO, Aklan – Hindi itinuloy ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang pag-eksamin sa specimen sample na kinuha sa 29-anyos na babae at 65-anyos na lalaki na parehong mga Chinese nationals.
Una nang nakitaan ng sintomas ng Bureau of Quarantine sa Kalibo International Airport ang mga ito at dinala sa Aklan Provincial Hospital dahil sa pagkakaroon ng flu-like symptoms.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Dr. Cornelio Cuatchon, Provincial Health Officer II ng PHO-Aklan na minabuti ng RITM na hindi ipagpatuloy ang pag-eksamin sa throat swab at blood sample ng dalawang dayuhan dahil hindi nakapasok ang kanilang naramdamang sintomas sa criteria at guidelines na ipinalabas ng World Health Organization (WHO).
Maliban dito, wala rin silang travel history sa Wuhan City, China na siyang pinanggalingan ng novel coronavirus.
Samantala, nakalabas na sa ospital at nakauwi na ng Cavite ang 24-anyos na flight attendant na nagpa-self-quarantine matapos na makaramdam ng flu-like symptoms mula sa kanilang biyahe sa nasabing syudad.
Ang pinakahuli na inobserbahan sa ospital ay ang 18 buwan na sanggol dahil sa pagkaroon nito ng mataas na lagnat na nagmula din sa bansang China.
Ngunit nilinaw ni Dr. Cuatchon na bago pa man bumiyahe papuntang Kalibo ang sanggol kasama ang kaniyang mga magulang ay nilalagnat na ito at may oral medication kaya matapos na mabigyan ng lunas ay kaagad din itong ipinalabas ng ospital.