Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng 18 volcanic earthquakes sa bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras.
Sa monitoring ng ahensiya, nakapagtala din ng volcanic tremor na nagtagal ng tatlong minuto.
Ipinaliwanag ng Phivolcs na hindi tulad ng tectonic earthquakes na nangyayari dulot ng biglaang paggalaw ng faults at plate boundaries, ang volcanic earthquakes ay direktang nangyayari sa pamamagitan ng paggalaw ng magma o magmatic fluids o pagbibitak ng mga bato (rock-fracturing) sa ilalim ng bulkan.
Maliban dito, naitala din ng ahensiya ang mahinang pagbuga ng 1,030 metrikong tonelada ng asupre mula sa main crater ng bulkan na umabot ng 600 metrong taas na napadpad sa timog-kanlurang direksiyon.
Wala namang napaulat na volcanic smog. Sa ngayon, nananatiling nakataas sa alert level 1 sa bulkan.