Sasampahan ng kasong administratibo ang 18 pulis na nahuling natutulog at nag iinuman habang naka duty.
Mismong si National Capital Region Police Office chief P/Dir. Oscar Albayalde ang nakahuli na tulog sa presinto ang mga on-duty na pulis nang magsagawa ito ng surprise inspection kaninang madaling araw.
Labing-apat na mga pulis sa Police Community Precint (PCP)-8 sa Maricaban, Pasay, kabilang si S/Insp. Ferdinand Duren ang nahuling tulog na tulog ng heneral.
Apat naman sa PCP-4 sa Sucat, Muntinlupa, kabilang si S/Insp. Mark Oyad na kainuman si PO2 Michael Del Monte, habang naka-half uniform sina PO1 Jocelyn Monterp at PO1 George Guay.
Ginawa ni Albayalde ang surprise inspection para i-check ang alertness ng mga pulis habang naka-duty ang mga ito.
Aminado ang opisyal na may natanggap siyang mga reklamo na hindi nagtatrabaho ang ilang mga pulis.
Giit ni Albayalde na mapi-precharge ang 18 pulis at magsasampa sila ng administrative charges laban sa mga ito.
Kapag nakitaan ng probable cause ang mga nasabing pulis maaaring masuspinde ng pito hanggang 15 araw ang mga ito at kapag suspindido ang mga ito ay otomatikong matatanggal ang kanilang bonus at mababawasan ang kanilang sahod.
Dagdag pa ni Albayalde na kaniyang irerekomenda kay PNP chief Ronald Dela Rosa na ipadala sa Mindanao ang mga ito nang sa gayon maranasan din ng mga ito ang buhay sa mga lugar na mataas ang antas ng seguridad.
Aniya, napakadelikado ang ginawa ng mga pulis sa Maricaban PNP na lahat tulog sa alanganing oras dahil sakaling pasukin ng mga kriminal ang istasyon, tiyak tangay lahat ang kanilang mga baril o kaya ay napatay ang mga ito.
At ang pag-iinom habang naka-duty at lalo na sa loob ng police station ay mahigpit na ipinagbabawal.
Habang ang kaso ni S/Insp. John Glenn Siguan ng Malibay PCP ay under deliberation pa kung may katwiran ang dahilan na nagpahinga lang ito dahil bilang PCP Commander ay maghapon magdamag ang kaniyang duty.