Sinampahan na ng kasong kriminal ang 18 mga suspek na tinukoy na nasa likod sa madugong pagsabog sa Lamitan, Basilan noong July 31, 2018.
Ayon kay PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde, walong suspeks ang nasa kustodiya ngayon ng PNP sa Basilan habang ang 10 ay patuloy na tinutugis ngayon.
Kinilala ni PNP chief ang walong suspek na sina: Musa Jallaha, Hadji Hurang aka Nura Narimim, Nsir Nuruddin y Kusain aka Battuh Murah, Al Basir Ahmad y Santos, Abdurahim Lijal aka Mike Lijal aka Mike Usman @ Abu Fattie at isang Ammar Indama aka Ammar Matahul Mohammad.
Ang bomb expert na si Julamin Arundoh y Asmad aka Mammin Totong @ Abu Mammin, Saad Tedie aka Boga Tedie @ Abu Tedie, ay kasama rin sa pagplano sa nasabing pagsabog.
Ayon sa PNP chief, 10 pa sa mga kasamahan ng mga ito na kabilang si ASG leader Furuji Indama aka Boy Sopek @ Abu Jhovel.
Kinumpirma ni Albayalde na si Indama ang nag-utos sa pambobomba sa Lamitan.
Magugunitang 10 katao ang nasawi nang sumabog ang isang IED na nasa loob ng puting van na naharang sa Military checkpoint malapit sa Magwakit detachment sa Brgy. Colonia, Lamitan, Basilan, habang iniinspeksyon ng mga tropa ng pamahalaan noong July 31.