CAGAYAN DE ORO CITY – Patuloy na ginagamot sa tatlong bahay pagamutan sa Bukidnon ang 180 miyembro ng Seventh Day Adventist Reform Movement na nahilo sa pagkain sa Sitio Cedar, Barangay Impalutao, Impasug-ong Bukidnon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni SDA Reform Movement-Northern Mindanao Field President Pastor Allan Alingalan na nakaramdam ng pagsakit ng ulo, pagsusuka at pagkahilo ang mga biktima matapos kumain ng hapunan Martes ng gabi.
Ngunit, hindi na sinabi ng pastor kung anong klaseng pagkain ang kinain ng mga biktima.
Sa nasabing bilang, 116 sa kanila ang dinala sa Bukidnon Medical Center; 10 sa Malaybalay Polymedic General Hospital; 21 sa Bethel Baptist General Hospital; at 33 sa St . Jude Thaddeus General Hospital.
Napag-alaman na aabot sa 600 na miyembro ng SDA ang sumali sa National Youth Convention na nagmula sa Cotabato City, Bohol, Negros Oriental, Ilo-Ilo City at Zamboanga City.
Sa ngayon, gumagawa na ng imbestigasyon ang Department of Health (DoH) sa Bukidnon sa posibleng sanhi ng pagkahilo ng mga ito.