CEBU CITY – Umabot sa hindi bababa sa 18,000 ang nanood sa grandstand ng Cebu City Sports Center (CCSC) upang masaksihan ang Sinulog 2020 ritual showdown na nagsimula pasado alas-2:00 ng hapon.
Ang naturang bilang ay base sa mga okupadong upuan sa grandstand kung saan may 13,000 seating capacity.
Habang sinusulat ang balitang ito ay patuloy pa ang pagtaas ng bilang kung saan nakapagtala ang mga otoridad ng hindi bababa sa 3,000 na pumasok sa area.
Ngunit ayon pa kay Police Major Elisandro Quijano, ipapahinto muna nila ang pagpapasok ng mga tao sa CCSC kung magpapatupad na ng lockdown bilang parte sa security protocol ng pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ngayon, wala namang naitala o naiulat na mga problema na may kaugnayan sa krimen maliban na lang sa mga nakumpiskang mga ipinagbabawal sa loob ng venue.
Kabilang sa mga ito ang alak, pens, lighters at sigarilyo.
Hindi naman daw inaresto ang mga nakuhanan at binigyan lang ng babala ang mga ito.