Umaabot na raw sa 18,000 ang inilikas sa mula sa Kabul airport sa mula ng okupahan ng Taliban militants ang capital ng Afghanistan.
Ayon sa isang NATO official hanggang ngayon ay hindi pa rin tumitigil ang ilang mamamayan ng Afghanistan sa pagtipon tipon sa labas ng airport sa hangarin na makaalis sa kanilang bansa sa lalong madaling panahon dahil sa takot pa rin sa mga Taliban.
Iniulat naman ng White House na umaabot na rin sa 3,000 ang nailikas ng Estado Unidos.
Pero kung isasama mula noong August 14 nasa kabuuang 9,000 na ang isinailalim sa evacuations.
Nitong araw umabot sa 16 na biyahe ng US Air Force C-17 ang nagpabalik balik sa Hamid Karzai International Airport.
Kabilang sa evacuees ang 350 US citizens.
Habang puspusan din ang paghahakot ng mga civilian charter flights na umabot na sa 11 mga biyahe sa nakalipas lamang na 24 oras.
Ang British Embassy compound ay tambak naman ang pumipila pa rin na mga Afghans na umaasang mabigyan ng special visa kasunod ng pangako ng Taliban na bibigyan ng safe passage sa airport ang mga dating nagsilbi sa mga foreign countries.
Hinaharang din naman sa mga checkpoints ang mga tao na nagtutungo ng airport sa Kabul at binubusisi ng husto.
Una rito lumutang ang confidential report ng United Nations na nagbahay bahay na ang mga Taliban sa paghahanap ng mga tao na nagsilbi sa Amerika at sa NATO forces.
Samantala ang G7 foreign ministers ay nanawagan sa international community na magsama sama sa pagtulong sa Afghanistan upang hindi lalong lumala ang krisis.
Nangako ang United Kingdon na dodoblehin pa nila ang humanitarian at development aid sa Afghanistan sa halagang $390 million.