-- Advertisements --

DAVAO CITY – Isang 19 anyos na college student ang nasawi matapos sumailalim sa isang initiation rites na hazing ng Alpha Kappa Rho, Alpha Delta Chapter fraternity group sa lungsod ng Davao.

Ayon kay Davao City Police Office Spokesperson Police Major Maria Teresita Gaspan, nakita sa Purok Sto. Niño, Sison Village, Upper Mandug, Buhangin, Davao City, ang bangkay ni August Ceazar Saplot, 19-anyos, graduating Criminology student.

Nakaligtas naman sa insidente ang hindi pa nakikilalang 18 anyos na kasama ng biktima na kasaluyang nagpapagaling sa ospital dahil sa tinamo nitong mga pasa at bali sa katawan.

Agarang nadakip ng Davao City Police Office ang anim na mga myembro ng fraternity group at mga estudyante rin ng University of Mindanao na kinilalang sina Jeremiah Moya; Leji Wensdy Quibuyen; John Lloyd Sumagang; Harold Joshua Flauta; John Steven Silvosa; Ramel John Gamo; Gilbert Asoy, Jr; at Roseller Gaentano.

Kasalukuyan pang pinaghahanap ng kapulisan ang iba pang anim pa nilang mga kasamahan sa fraternity na pinaghihinalaang nakatakas matapos maisumbong sa mga otoridad.

Nakakustodiya na sa Mandug Police Station 13 ang mga akusado na sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 8049 o Anti-Hazing Law.