bOMBO DAGUPAN -Arestado ang isang 19-anyos na lalaki sa lungsod ng Urdaneta dahil sa kasong rape.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Lawrence Keith Calub, Chief of Police ng Urdaneta City Police Station, sinabi nito na inaresto ang suspek sa ikinasang operasyon ng Intel Operatives, Warrant Officers, kasama ang pwersa ng Police Regional Office I.
Sa kanilang isinagawang imbestigasyon, nangyari ang krimen noong Agosto kung saan ang suspek at biktima ay nagkakilala online pitong buwan bago nangyari ang insidente.
Aniya, may constant communication umano ang dalawa at nang sumapit ang kaarawan ng suspek ay inimbitahan nito ang biktima.
Saad nito na sa pagtitiwala ng biktima sa suspek dahil sa pagkakaibigan nila ay tinanggap nito ang imbitasyon. Sinundo pa siya ng suspek sa Brgy. San Vicente sa parehong lungsod at nagtungo sila sa kanyang bahay kung saan ay naroon ng handaan.
Ngunit nang nagpaalam na para umuwi ang biktima ay sinabihan pa siya na sasamahan niya ito subalit dahil sa kalasingan nito ay pinatuloy na lamang ito sa bahay ng suspek.
Dakong ala-1 ng madaling araw nang papasukin ng suspek ang biktima sa kwarto at dito na isinagawa ang panghahalay sa biktima.
Matapos ang insidente ay kaagad namang nakatakas ang biktima at humingi ng tulong mula sa kanyang mga kaibigan, subalit dahil madaling araw nang mga oras na iyon ay kinailangan nitong maglakad sa highway at nakarating sa isang convenience store sa Brgy. Anonas at dito na siya sumakay ng tricycle pauwi sa kanilang bahay sa bayan ng Manaoag.
Agad naman nilang isinumbong ang pangyayari sa kapulisan. Nang malaman ng mga magulang ng biktima ang nangyari ay dito na isinampa ang kaso laban sa suspek na kalaunan ay naaresto.
Kaugnay nito ay nasa humigit 20 kaso na ng rape ang naitala sa nasabing lungsod at ang kadalasang sangkot dito ay mga kabataan edad 18-pababa at mga estudyante.