-- Advertisements --

VIGAN CITY – Isasailalim sa pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) ang 19 na mga bayan at dalawang siyudad sa Ilocos Sur mula September 22 hanggang October 6, 2021.

Ito ang iniulat ni Ilocos Sur Governor Ryan Singson sa isinagawang press conference dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa probinsiya.

elders old seniors Vax vaccination ilocos vigan

Sa inilabas na Executive Order No. 106 ay nakalahad doon ang mga apektadong bayan ay kinabibilangan ng Sinait, Cabugao, San Juan, Magsingal, Sto. Domingo, San Ildefonso, Sta. Catalina, San Vicente, Bantay, Caoayan, Santa, Narvacan, Sta. Maria, Santiago, Sta. Lucia, Sta. Cruz, Salcedo, Gregorio del Pilar at Suyo habang ang dalawang siyudad ay ang Vigan at Candon.

Aniya, nahihirapan na ang probinsiya sa sitwasyon dahil mas marami ngayon ang kaso kung ikukumpara noong nakaraang taon.

Maliban diyan ay marami na rin daw ang naitatalang kaso ng Delta variant kung kaya’t ipatutupad ang ECQ upang malimitahan ang paglabas ng mga tao.

Una nang hiniling ng mga medical frontliners na magkaroon sila ng dalawang linggong “time-out” dahil hindi na nila makayanan ang pagdami pa ng mga pasyente.