ROXAS CITY – Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang 19 katao na nahuli ng mga kapulisan na nagsasagawa ng iligal na sabong sa magkahiwalay na operasyon sa Capiz.
Una rito, naaresto sa Barangay Wright, sa bayan ng Tapaz ang 16 na indibidwal na kinabibilangan nina Leopoldo Caballero, Rodolfo Caballero, Narciso Llorico, Mark Anthony Robles, John Gardose, Kevin Tolico, Elmer Importante, Igmedio Importante, Allan Jimenez, Michael Chiva, Gerardo Caro, Lorito Caballero at Jimboy Chiva kung saan ang iba sa mga ito ay pawang residente ng bayan ng Tapaz at ang iba naman ay mula pa sa bayan ng Calinog, Iloilo.
Nakuha sa mga ito ang 27 na pangsabong na manok kung saan ang tatlo rito ay patay na.
Samantala naaresto naman sa Barangay Dayhagan sa bayan ng Pilar sina Ricky Colmo, Reno Castor at Gary Francisco at nakuha sa mga ito ang walong patay na manok na ipinaglaban sa sabong.
Nabatid na ang naturang mga indibidwal ay nagsasagawa ng sabong sa hindi lisensiyadong cockpit arena.
Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Presidential Decree 449 o Anti-Cockfighting Law at Presidential Decree 1602 o Anti-Gambling Act.