-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Tuluyan nang sinampahan ng kaso ng Police Regional Office (PRO)-12 ang mga may kaugnayan sa bilyun-bilyong investment scam sa lungsod ng General Santos.

Ito ang kinumpirma ni PRO-12 spokesperson P/Lt. Col. Aldrin Gonzales sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Gonzales, 19 na kasong administratibo at kriminal ang isinampa ng PNP laban sa mga nanguna sa Police Paluwagan Movement (PPM) Scam na tumangay ng halos P2-bilyong galing sa kanilang mga investors na kinabibilangan ng mga pulis, opisyal, at sibilyan.

Ipinahayag din nito na hindi sila titigil upang mapanagot ang mga ito.

Napag-alamang ang PPM Scam ang sinasabing nag-operate mismo sa loob ng Camp Fermin Lira sa General Santos City at pinapatakbo din umano ng ilang PNP Personnel.

Ito rin ang naging dahilan kung bakit ni-relieve sa puwesto ang tatlong matataas na opisyal ng PNP na kinabibilangan nina P/Col. Raul Supiter, hepe ng General Santos City PNP; P/Col. Manuel Lukban Jr., chief ng PRO-12 directorial staff at si P/Lt. Col. Henry Biñas.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang panawagan ng PNP sa publiko na maging matalino at mabusisi sa pagsali sa naglipanang investment schemes sa Rehiyon 12 na umaalok ng 30% hanggang 400% na monthly interest.