Nasawi ang nasa 19 na katao habang nasa 50 iba pa naman ang sugatan sa nangyaring dalawang pagsabog malapit sa pinakamalaking military hospital sa Kabul, Afghanistan.
Tinarget ng pag-atake ang 400-bed Sardar Daud Khan hospital sa Kabul kung saan ginagamot ang mga sugatang sundalo na lumaban para sa dating pamahalaan at mga Taliban fighters.
Bagamat hindi pa tukoy kung sino ang nasa likod ng pagsabog.
Sa mga kuhang larawan at video footage mula sa Kabul, makikita ang makapal na usok sa lugar at naitala ang mga tunog ng putok ng baril.
Base sa ilang report na hinihinalang ilang mga fighters mula sa grupong Islamic State ang pumasok sa ospital at nakipagsagupaan sa security forces.
Hindi ito ang unang pagkakataon na tinarget ang ospital ng Sardar Daud Khan. Noong taong 2017, sinalakay ng mga armadong lalaki ang naturang gusali kung saan nasa mahigit 30 katao ang namatay at 50 iba pa ang nasugatan. Ang pag-atake na iyon ay inako din ng grupo ng Islamic State.
Maaalala, noong Agosto naman matapos na mapasakamay ng Taliban ang Afghanistan government, nangyari ang suicide bombing na inako ng lokal na kaanib ng grupong Islamic State na kilala bilang Islamic State Khorasan, o IS-K sa Kabul international airport na pumatay sa mahigit 150 sibilyan at 13 sundalo ng US.