Nasagip ng mga awtoridad sa Tawi-tawi noong ika-11 ng Oktubre ang nasa 19 na hinihinalang biktima ng human trafficking, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ang mga pasahero umano ng isang roll-on/roll-off na vessel sa Port of Bongao sa Tawi-Tawi ay narinig ng PCG sea marshals na nag-uusap tungkol sa kanilang balak na bumyahe patungong Malaysia.
Ang mga sinasabing biktima ay dinala sa Philippine National Police Maritime Station para sa imbestigasyon.
Ayon sa PCG, ang Municipal Inter-Agency Committee Against Trafficking (MIACAT) ay nagsagawa rin ng sariling imbestigasyon.
Dito inamin umano ng mga biktima ang kanilang intensyon na maglakbay patungong Sabah, Malaysia, sa pamamagitan ng illegal backdoor upang magtrabaho nang walang maayos na dokumento ayon sa PCG.
Sinabi rin ng PCG na ang mga biktima ay sumailalim na rin sa counseling mula sa MIACAT bago dinala sa Ministry of Social Service Development.