-- Advertisements --

LA UNION – Pinaralangan ang nasa 19 na mga outstanding partners at stakeholders sa iba’t ibang kategorya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na naging kaagapay nila sa pagpapalago ng ekonomiya sa lalawigan at buong bansa.

Pinangunahan ni V. Bruce Tolentino, Monetary Board Member at Chairman ng Board of Judges ang katatapos na 2019 Stakeholders Awards Ceremony and Appreciation Lunch for BSP stakeholders para sa Region I at Cordillera Administrative Region (CAR), na isinagawa kahapon sa Convention Hall, BSP La Union Regional Office, San Fernando City, La Union.

Kinilala ng BSP ang mga outstanding partners na sumuporta sa iba’t ibang initiatives at advocacy programs nito sa nakalipas na taong 2018.

Isa sa mga awardee ang Naguilian-LGU bilang Outstanding Regional Partner for Coin Recirculation Program (La Union Regional Office).

Binigyan din ng certificate of recognition ang dalawa pang finalists, ang bayan ng Aringay at Bauang, La Union.

Muli ring kinilala bilang Outstanding Partner for the Report on Regional Economic Developments in the Philippines (Region I) ang Philippine Statistics Authority (PSA) Regional Statistical Services Office I at PSA Regional Statistical Services Office Cordillera.

Iginiit ni Tolentino na hindi independent institution ang BSP kundi dependent sa mga partner-stakeholders para makamit ang data, na siyang magbibigay impormasyon tungkol sa economic growth at magdedetermina sa inflation ng bansa.

Ang tema ng Awards Ceremony ngayong taon ay “One Team One Goal: Resilient Partnership Towards Inclusive Economic Growth.”