-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Patay ang 19 na katao habang 22 ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang sinakyang elf sa Conner, Apayao nitong alas-7:00 ng Huwebes ng gabi.

Ayon kay P/Cpt. Manuel Canipas Jr., hepe ng PNP-Conner, pauwi na ang elf na minaneho ni Merlito Gannaban lulan ang 44 na pasahero nang mamatay ang makina ng sasakyan sa paakyat na bahagi ng daan sa Barangay Karikitan, Conner.

Dahil dito, umatras ang elf na sanhi nang pagkahulog sa 20 meters na lalim ng bangin.

Sinabi ni Canipas na nanggaling sa bayan ng Rizal, Cagayan ang mga biktima kung saan kumuha sila ng binhing palay na bigay ng gobyerno.

Kaugnay nito, sinabi ni Canipas na batay sa kanilang paunang imbestigasyon, overloading ang nakikitang dahilan ng pagkahulog dahil bukod sa 44 na pasahero ay kargado pa ng binhi ang naturang sasakyan.

Aniya, dahil sa bigat na laman ng sasakyan ay hindi kinaya ng driver na i-preno ang sasakyan nang mamatay ang makina nito.

Kasalukuyan nang ginagamot ang 11 na biktima sa Conner District Hospital at dinala naman sa Cagayan Valley Medical Center ang 11 pang sugatan habang maswerte namang walang tinamong sugat ang tatlong iba pang pasahero.

Sa ngayon, inaalam pa ng pulisya ang pangkakilanlan ng mga namatay maging ang mga nasugatan sa naturang aksidente.