-- Advertisements --

Labing pito ang nalagas sa tropa ng isang inhinyerong datu habang dalawa naman ang nasawi sa panig ng isang kumander matapos na magpang-abot at magkaroon ito ng engkwentro kahapon sa Barangay Kilangan sa bayan ng Pagalungan, Maguindanao del Sur.

Sinasabing dumating sa lugar si Engr. Datu Alonto Sultan, kung saan nais nitong okupahin ang lupa na siyang pinagsimulan na ng kaguluhan sa pagitan nila at ng grupo ni Kumander Ikot Dandua at naging dahilan upang malagasan ang bawat grupo.

Una na ring sinabi sa Bombo Radyo Philippines ni LTC Roden Orbon, ang tagapagsalita ng 6th Infantry ‘Kampilan’ Division ang tungkol sa pangyayari.

Matagal na umanong may hidwaan ang grupo ni Engr. Sultan at ang panig nina Commander Ikot Dandua at Commmander Bawsi at ito na ang naging mitsa upang magkaroon ng labanan sa pagitan ng dalawang grupo.

Dahil sa nangyari, sunod-sunod na pagpupulong ang isinagawa nina Pagalungan Mayor Salik Mamasabulod, 602nd Brigade at 90th Infantry Batallion ng Philippine Army.

Dinala din ni Mayor Mamasabulod ang mga militar sa lugar upang matigil na ang girian.

Una nang inihayag ni Sultan na mayroon itong papel na pinanghahawakan na kaniyang pag mamay-ari ang 280 na ektaryang lupain sa Sitio Gageranin sa nasabing bayan kaya legal umano ang pagokupa nito na siyang itinanggi ni Commander Bawsi, sabay sabi nito na walang lupa si Sultan at ito ay mula pa sa kanilang mga ninuno.

Dahil dito, nagresulta sa malawakang paglikas ng maraming pamilya ang nasabing labanan sa kanilang baryo.