Isinasailalim na ngayon ng CIDG Regional Office sa Eastern Visayas sa booking procedure sa 19 na pulis sa pangunguna ni PSupt. Marvin Marcos na pinapa aresto ng korte dahil sa kasong murder kaugnay sa pagpatay kay dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
Dalawang warrants of arrest ang inilabas noong March 16 ni Hon. Carlos O. Arguelles, Presiding Judge of RTC Branch 14 ng Baybay City, Leyte sa kasong murder laban kin PSupt Marvin Wynn Marcos, PSupt Santi Noel G. Matira, PCInsp Leo D. Laraga, SPO4 Melvin M. Cayobit, PO3 Johnny A. Ibañez, PCInsp Calixto C. Canillas Jr., SPO4 Juanito A. Duarte, PO1 Lloyd O. Ortigueza, PSInsp Fritz B. Blanco, PO1 Bhernard R. Orpilla, PSInsp Deogacias P. Diaz III, SPO2 Benjamin L. Dacallos, PO3 Norman T. Abellanosa, PO1 Jerlan S. Cabiyaan, PInsp Lucrecito A. Candilosas, SPO2 Antonio R. Docil, SPO1 Mark Christian Cadilo, PO2 Jhon Ruel Doculan, at PO2 Jaime P. Bacsal.
Ayon kay PRO-8 regional police director CSupt. Elmer Beltejar na boluntaryong sumuko ang 19 na mga akusadong pulis sa CIDG regional unit sa Palo, Leyte para sa accounting and investigation.
Sinabi ni Beltejar na kapag natapos na sa booking procedure o ang pagsasagawa ng fingerprinting, documentation, mugshot at medical examination ang 19 na pulis ibabalik na agad sa korte ang warrant of arrest at maghihintay sila para sa ilalabas na commitment order ng korte upang matukoy kung saan ikukulong ang mga akusadong pulis.