TUGUEGARAO CITY – Problema sa makina ang itinuturong dahilan nang nangyaring aberya sa isang pampasaherong bangka na na-stranded sa karagatang sakop sa bayan ng Calayan, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Cpt. Cherie Bartolome, hepe ng Calayan Police Station na alas-8:00 ng umaga nitong Huwebes nang umalis sa Camiguin island ang MB Geda, lulan ang 19 na pasahero nang makaranas ng engine failure na sanhi ng pagtigil ng motorbanca sa gitna ng dagat.
Bukod sa mga pasahero, karga rin ng lampitaw ang 158 kaban ng palay at 700 kilos ng saging na dadalhin sana sa bayan ng Aparri.
Ayon kay Bartolome, dahil sa lakas ng alon, pinasok ng tubig ang bangka kung kaya nagdesisyon ang kapitan na si Johnson Arirao, 28-anyos na itapon sa dagat ang mga palay at saging nang magdeklara ng engine failure.
Kaagad namang nakatawag ang isang pasahero sa kanyang pamilya upang humingi ng saklolo sa Philippine Coast Guard (PCG) at nailigtas ang mga pasahero at crew matapos hilain ang lampitaw pabalik sa Camiguin ng alas-10:00 ng gabi.