Dumating na sa bansa ang karagdagan pang 190,000 second doses ng Sputnik V vaccine kagabi.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., dumating ang mga bakuna dakong alas-11:00 ng gabi.
Aniya, lumapag ang eroplano kung saan ikinarga ang mga bakuna sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.
Todo pasasalamat naman si Galvez sa pagdating ng component number 2 ng bakuna at umaasa itong hindi na magkakaroon ng delay sa deliveries ng mga bakuna.
Ipapadala raw ang mga bakuna sa mga areas na nabigyan na rin ng kaparehong uri ng bakuna gaya ng Bohol, Isabela, Bacoor sa Cavite, Metro Manila, Region III at Region IV-A.
“We are apologizing for the delay of this component 2 considering we have some supply issues. As promised by the Russian Direct Investment Fund, this will be delivered today. And we are very thankful that they fulfilled the promise,” ani Galvez.
Samantala, ngayong araw asahang dadating pa ang tatlong milyong doses ng Sinovac vaccine na binili ng pamahalaan.
Mayroon din umanong dadating na dalawang milyon na doses ng Pfizer vaccine mula sa COVAX facility.