Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang aabot sa 192 foreign nationals na sinasabing sangkot sa illegal online scam at iba pang paglabag sa immigration law.
Resulta ito ng isinagawang major joint operation na naglalayong masawata ang mga ilegal na aktibidad sa bansa na bumibiktima ng inosenteng indibidwal.
Nag-ugat ang operasyon matapos ang natanggap nilang ulat hinggil sa unauthorized employment at illegal activities ng sinasabing mga foreign nationals dito sa bansa partikular sa isang building sa Sen. Gil Puyat Avenue Extension at Macapagal Blvd in Pasay City.
Katuwang ng BI sa naturang operasyon ang National Bureau of Investigation, Presidential Anti-Organized Crime Commission, Department of Justice – Inter-Agency Council Against Trafficking at Securities and Exchange Commission.
Kabilang sa mga naaresto ay ang mga Chinese, Vietnamese at iba pang nationalities.
Ang mga indibidwal na ito ay naaktuhang gumagawa ng unauthorized employment at illegal operations na siyang malinaw na paglabag sa Philippine Immigration Act.