MANILA – Matapos ang higit dalawang buwan na delay, dadating na sa Pilipinas ang shipment ng COVID-19 vaccines na gawa ng Pfizer-BioNTech.
Ito ang kinumpirma ni Health Sec. Francisco Duque III matapos salubungin ang 2-million doses ng Oxford-AstraZeneca vaccines mula sa COVAX Facility nitong Sabado.
“The Pfizer vaccines will be distributed maybe in the NCR, in Metro Cebu, in Metro Davao City, and the other major cities that can handle the required temperature,” ani Duque.
Ayon sa kalihim, manggagaling din sa COVAX Facility ng World Health Organization (WHO) ang shipment ng Pfizer-BioNTech vaccines.
Kung maaalala, may nakatakda sanang dumating na 117,000 doses ng naturang bakuna noong Pebrero, pero naudlot ito dahil sa usapin ng “indemnification” o bayad danyos ng pamahalaan sa mga magkakaroon ng side effect.
Dahil manggagaling sa COVAX Facility ang shipment ng Pfizer-BioNTech vaccines, ibabahagi raw muna ito sa A1 hanggang A3 priority sectors.
Ang COVID-19 vaccine ng Pfizer-BioNTech ang unang bakuna na ginawaran ng Food and Drug Administration (FDA).
Batay sa datos ng DOH, may efficacy rate na 95% ang nasabing bakuna laban sa symptomatic cases ng COVID-19.
Sensitibo ang cold storage requirement into na nangangailangan ng imbakan na may temperaturang -80 hanggang -60 degree Celsius.
Ibinibigay naman ang Pfizer-BioNTech vaccines ng dalawang doses sa pagitan ng 21-araw.
Ilan sa mga naitalang adverse effects ng bakuna ay ang pananakit ng injection site, pagkapagod, at pagkahilo.