Ligtas at nakalikas na ang nasa kabuuang 199 na mga Pinoy sa Ukraine.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola, sa ngayon ay nasa 63 mga kababayan natin sa Ukraine ang nakauwi na sa bansa.
Habang ang 136 pang mga Pilipino ay dinala na sa ibang mga bansa sa Europa, kung saan 73 na mga Pinoy ang nailikas sa Romania, 33 sa Moldova, 15 sa Hungary, siyam sa Austria at anim sa bansang Poland.
Sinabi din ng opisyal na may ilan pang mga Pinoy seafarers ang stranded habang nananatili pa rin sa Ukraine hanggang ngayon ang mga kababayan na household service workers at mga Pinay na nakapag-asawa ng Ukrainian.
Samantala, hinikayat naman ni Arriola ang mga natitira pang mga Pinoy sa naturang bansa na mag-avail na ng repatriation sa Pilipinas upang hindi na makadagdag pa ang mga ito sa maraming evacuees sa European countries.
Kagabi nasa anim pang mga Pinoy seafarers ang dumating sa NAIA na nagmula rin sa Ukraine at dumaan sa kalapit na bansang Romania.