-- Advertisements --

Isang batalyon pa ng Philippine Marines ang idineploy ngayon sa Marawi City na siyang magsisilbing augmentation force sa kasalukuyang pwersa na patuloy na nakikipaglaban sa mga teroristang Maute.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Philippine Marines spokesperson Capt. Ryan Lacuesta, sinabi nito na dakong alas-6:00 ng umaga ang biyahe kanina patungong Cagayan de Oro City ng mga fresh troops sakay ng PAF C-130 cargo plane.

Ang Marine Battalion Landing Team -7 (MBLT-7) ang latest na mga tropa na ipinadala sa Marawi City na pinangungunahan ni Col. Edwin Joseph Olaer.

Sinabi ni Lacuesta na katatapos lamang sumailalim sa retraining ang MBLT-7 sa Fort Bonifacio kaya handang handa na ang mga ito sa pakikipaglaban sa mga terorista.

Si Philippine Marine Corps deputy commandant Brig. Gen. Alvin Parreno ang nanguna sa isinagawang send-off ceremony sa Villamor Air Base.

Mensahe ni Parreno sa mga tropa na gawin ang kanilang mga trabaho at tiyakin na malinis ang Marawi City mula sa mga teroristang Maute.

Samantala, ayon naman kay AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, nakatuon pa rin ang operasyon ng militar sa Marawi ay ma-clear ang siyudad ng mga terorista, ma-rescue ang mga trapped na mga civilians at marekober ang mga civilian casualties na biktima ng mga terorista at pagtulong din sa mga LGUs, NGOs at CSOs sa isinasagawang relief operations.

Sa ngayon naka-concentrate ang operasyon sa may eastern part ng Marawi kung saan tatlong barangays ang apektado rito.

Samantala, nasa higit pang 2,000 mga sibilyan ang na-trap ngayon sa apat na barangays sa Marawi.