Nagtipun-tipon ang 1,000 raliyista sa Morayta sa lungsod ng Maynila para ipakita ang kanilang suporta sa mga inisyatibo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at paggiit ng ating pagmamay-ari sa West Philippine Sea.
Kabilang dito ang grupong Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasiya na nagpahayag ng kanilang suporta sa mga hakbang ng kasalukuyang adminsitrasyon sa pagprotekta sa WPS.
Nagtipon ang mga ito sa Morayta street sa Sampaloc, Maynila bago nagmartsa patungong Mendiola Bridge.
Bago ang pagmartsa ng grupo, nagpakawala ang mga ito ng mga kalapati bilang simbolo ng kapayapaan at kanilang mapayapang protesta.
Umapela din ang grupo sa lahat ng mga Pilipino na makiisa sa pagsuporta sa kasalukuyang administrasyon at magkasamang manindigan laban sa propaganda at mga agresibong aksiyon ng China Coast Guard at China People’s Liberation Army.
Kinondena rin ng grupo ang mga agresibong aksiyon ng China laban sa mga sundalong Pilipino at mangingisda sa ating teritoryo at exclusive economic zone gaya ng panghaharass, pambobomba ng water cannon, panggigipit at pambubully ng mga barko ng China.
Liban dito, nagsindi din ng mga kandila at torch ang grupo sa Mendiola Bridge at nagdasal para sa pagkakaisa, kapayapaan at kaunlaran ng ating bansa.
Ipinanawagan din ng grupo ang agarang pagsasabatas ng Mandatoryong Reserved Officer’s Training Corps (ROTC) para matulungang magkaroon ng kaukulang kakayahan ang mga kabataan sa panahon ng kalamidad, sakuna, krimen at terorismo.