-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Sumuko sa mga otoridad sa Villaverde, Nueva Vizcaya ang isang aktibong miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos makaranas ng paghihirap sa loob ng kilusan.

Sa sa nakuhang impormasyong ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ang pagsuko ng nasabing rebelde ay bunga ng isinagawang Coplan Tabukol ng mga kasapi ng Villaverde Police Station, 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Compay, 86th Infantry Battalion, Nueva Vizcaya Intelligence Unit maging ang mga opisyal ng Barangay Nagbitin.

Boluntaryong sumuko sa tropa ng pamahalaan si alyas Julian , 26 anyos, binata at residente ng Sitio Omoc, Barangay Nagbitin, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Inihayag ni Alyas Julian na tumayo siyang medic officer sa ilalim ng Reynaldo Pinon Command na umiikot sa mga bayan ng San Mariano, Benito Soliven ,ilang bahagi ng Cauayan City, ilagan City, Maconacon Divilacan, at Palanan sa isabela, kabilang ang ilang bahagi ng Quirino at Cagayan .

Isinuko nito ang isang unit ng Cal. 38 revolver, 13 bala ng Calibre 38 na baril, 3 riffle granade, isang hand granade at isang pouch bag na naglalaman ng medical paraphernalia at ilan pang personal na kagamitan.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Samson Kimmayong, hepe ng 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company isinasailalim sa interogasyon ang sumukong rebelde.

Naengganyo umano si Alyas Julian na sumapi sa rebeldeng pangkat noong 2015 dahil sa mga ipinagakong pangkabuhayan na ibibigay umano sa kanila bagamat kalaunan ay napagtanto nitong kasinungalingan.

Samantala, patuloy ang panghihikayat ni PLt. Col. Samson sa mga mga rebelde na magbalik loob na sa pamahalaan dahil nakahanda silang tulungan ng pamahalaan.